Tulad ng kung kailan ako huling nagsulat dito, ay kay tagal din ng panahong muli kaming nagkasama-sama ng aking mga orihinal na kabarkada. Hindi sila simpleng tropa, hindi rin simpleng mga kaibigan. Mga tunay na kabarkada at kaibigan. Espesyal na bahagi sila ng aking buhay sapagkat sila ay mga nakasama ko noong mga panahong nabubuo pa lamang ang katauhan ko ngayon. Nagkasama-sama kami noong hayskul.
Kasama nila, una kong naransan ang umibig, mabigo, mamulat sa lipunang ginagalawan, mangarap, malasing sa puntong halos isuka pati ang laman-loob, tumawa hanggang sa mapa-iyak dahil sa mga simpleng bagay lamang at abutin ng hatinggabi sa kalsada dahilan sa simpleng kwentuhan lamang.
Hindi kami ang pinakasikat na barkada noong hayskul, pero ang bawat isa ay may pangalang inukit sa kasaysayan ng aming henerasyon. (naks!) Hindi kami mga anak mayaman, mga simpleng tao lang, na may simpleng kaligayahan at simpleng mga pangarap sa buhay. Hindi rin 'perpekto' ang aming pagtanda, ilan sa amin ay higit minsan nang naligaw ng landas, pero sa tulong ng bawat isa ay patuloy na nabubuhay, hindi man sa 'tamang landas' na nakagisnan ng karamihan, pero lumikha kami ng mga sarili naming daan. Pero iisa pa rin ang aming biyahe, ang makakamit ng maginhawang buhay.
Ngayong malapit na kami sa kalagitnaan ng buhay, hindi na kami mga bata pa. Ang ilan ay bumubuo na ng sarili naming mga pamilya. Pero ang mahalaga at masaya, patuloy pa rin ang samahan, kahit minsan na lang sa bawat taon magkasama-sama. Tiwala ako na magpapatuloy pa ito sa mga darating na panahon, lalong titibay, lalong lalakas at lalong magkakaroon ng kabuluhan para sa bawat isa.