Isang patalastas muna para kahit papaano ay mapawi ang pagod, pangamba, hinagpis at paghihirap ngayong dinaranas natin ang mga kalamidad na idinulot ng bagyong Ondoy.
Ang video ay kinuha bago dumating ang bagyong Ondoy, pero magandang halimbawa na kahit kung ang mga magkakaribal sa industriya ng pagkain ay kayang magsama sa isang gawain, kayang-kaya ng mga Pilipino na magkaisa para makatulong sa mga nangangailangang kababayan.
Ang hindi ko lang masikmura ay ang hindi pagtulong ng Jollibee branch sa Kalinisan, Bacoor, Kabite sa mga taong naghahanap ng masisilungan noong kasagsagan ng bagyong Ondoy. Sabi ng aking kaibigan na mismong nakakita nito, pinaalis daw ang mga taong sumilong sa loob ng Jollibee kahit na matindi ang ulan sa labas at halos umabot sa dibdib ang baha.
Nakakasuklam! Naturingang ang Jollibee ay tubong-Pinas at Pilipino ang may-ari nito.
Milyun-milyong piso ang halaga ng mga pinsala sa mga ari-arian at sari-sari pang suliranin ang idinulot ng bagyong Ondoy. Samantalang nangyari lahat ng ito sa loob lamang ng 6 na oras. Minsan nga ay magtataka ka kung bakit hindi tinawag na "super typhoon" si Ondoy samantalang pwede mong ihambing sa Milenyo ang pinsalang naidulot nito.
Sa aking palagay ay simple lang, bunga ito ng nagbabagong klima sa ating planeta na dulot ng pag-init ng mundo o global warming. Kung saan ang mas mainit na mga karagatan ay nakakapaglikha ng mga maliliit na bagyo pero may mga matinding ulan na baon.
Kaya kung sino man ang nagdududang totoo ang "climate change" ay dapat sanang nahagupit o kaya ay inanod ng bahang idinulot ni Ondoy.
Simula na bukas ng "Finals" period namin sa Argumentation & Debate class at isa ako sa unang anim na magdedebate para sa aming finals exam.
Ang paksa ay tungkol sa mga "infomercials" na kumakalat ngayon sa telebisyon dahil sa nalalapit nang eleksyon. Sa aking palagay ay mas madali ito kumpara sa naunang paksa na tungkol kay Lacson vs Erap at sa mga paggamit ng mga 'privilege speeches' para sa pansariling interes at larong pulitika ng mga Senador at Kongresista.
Ang nakikita kong pagdedebatehan ay dapat bang ipagbawal ang mga "infomercials" mismo o ipagbawal ang mga opisyal ng gobyerno na lumabas sa mga "infomercials" na gagawin ng kanilang mga opisina o ahensya lalo na kung panahon na ng eleksyon.
Magiging mainit ang debate tungkol sa maagang pangangampanya o premature campaigning bukas. Kung ano pa man, magiging masaya, malupet at madugo ang debate dahil ang mga mahuhusay sa klase namin ang mga makakasama at makakatunggali ko sa debate.
Sana lang ay hinid ako magkalat at matandaan ko ang lahat ng aking mga ni-riserts tungkol sa paksang ito.
Ang nakakainis lang ay kailangan pa naming magsuot ng "formal attire" para sa debate samantalang sa classroom lang naman ito gaganapin. Mas okay lang sana kung sa Jose Basa ito gaganapin.
Kakatapos lang ng OSS Week 2009 dito sa DLSUD. Kahit na dalawang araw lang ako opisyal na naka-duty bilang Direktor ng LCDC, pakiramdam ko ay buong linggo akong nagtrabaho dahil kinailangan pa din ang aking atkibong pakikilahok sa pagpapatakbo ng opisina nitong mga nakalipas na limang araw.
Masaya naman dahil mas organisado at mas madaming bagong boluntir ang nakasali sa mga naging student-administrator. Bagaman madaming naging aberya at problema, ang lahat ng ito ay nasolusyunan at natural lamang dahil sa karamihan ay mga bagong boluntir pa lamang.
Natapos ang linggong ito sa pamamagitan ng pagiging discussant ko sa isang forum ng NSTP at Pre-Law Society tungkol sa Automated Election System na gagamitin sa halalan ng 2010.
Panauhing pandangal namin si Director James Jimenez ang tagapagsalita ng COMELEC upang ipakilala at ipakita sa amin ang AES. Masaya, makabuluhan at matagumpay naman ang gawain.
Sa susunod ko na lamang ididetalye ang mga pangyayari dahil pagod na pagod na talaga ako at kinailangan ko lang maisulat ito bago pa tuluyang maglaho sa aking alaala.
Nitong mga nakaraang linggo, uminit at nadismaya na naman ako sa Globe Broadband dahil sa paputol-putol na koneksyon ko sa iternet. Madalas itong nangyayari tuwing gabi, mga alas-8 ng gabi hanggang sa ika-1 ng umaga - kung kailan nasa bahay na ako at kailangang magsualt sa mga blogs ko.
Kaya tumawag ako sa kanilang Customer Service hotline upang humiling ng isang "repair visit" sa aming lugar para maisaayos na ang problema ko.
Ang nakakainis sa Globe, 90% ng mga sinabi nila sa aking gagawin daw nila ay hindi nila ginawa. Lumalabas pa minsan na ako ang sinungaling tuwing kakausapin ko ang kanilang mga Customer Support Representatives (CSR).
Isa sa mga lagi na lang nilang hindi tinutupad ay ang pagtawag o pagtext muna sa akin bago bumisita sa bahay ang kanilang mga "technicians" upang inspeksyunin ang linya ng telepono at ang aking broadband modem.
Kahit ilang beses nang kinukuha ng kanilang CSR ang aking mobile number ay hindi pa nila ako tinawagan o tinext man lang kung pupunta sila sa bahay ko o hindi. Lagi tuloy naiiwan akong nakatanga sa bahay sa kakahintay sa wala.
At kung sila naman ay pupunta sa aking bahay, nakaalis na ako o kaya ay nasa pamantasan na, kaya hindi nila maayos ang koneksyon dahil hindi naman alam ng mga kasambahay ko kung paano sila kakausapin.
Tulad na naman kaninang hapon, nagpunta daw ang mga taga-Globe broadband para magsagawa ng inspeksyon at pagkukumpuni sa aking internet connectio. Pero dahil wala ako sa bahay, babalik na lang sila bukas. Kinabukasan kung kailan nasa pamantasan na naman ako at wala sa bahay!
Natural lang na hindi nila ako aabutan dahil hindi naman sila nagtatanong, tumatawag o nagtetext kung ako ba ay nasa bahay ko o hindi.
Hindi ko tuloy maunawaan kung sino ang mali, ang CSR ba o ang kanilang mga technicians. Sino ba ang tanga o hindi maka-intindi?