Babalik na ang Batibot sa TV5
Humahataw talaga ang TV5 ngayon. Bukod sa pagdagsa ng mga batikang artista na pinabayaan ng mga GMA 7 at ABS-CBN Channel 2 sa istasyong ito, may ilang mga palabas na sadyang nakakahuli sa interes ng mga manonood.
Pursigido kasi si Manuel V. Pangilinan na palaguin ang istasyong ito at maging Numero Uno sa buong bansa. Ang dagdag na 5 bilyong pisong pamumuhunan o investment ay senyales na seryoso talaga siya.
Ang magandang bunga nito, may alternatibo na sa GMA 7 at ABS-CBN na minsan naman talaga'y nakakasawa na at nakakainis lang ang kompetisyon nilang dalawa.
Pero ang pinaka-ikinatutuwa ko sa balitang ito ay ibabalik daw ng TV5 ang paborito kong programa sa telebisyon noong nasa elementarya pa lang ako, ang walang kaparis na "Batibot".
Nagsimula ito noong 1984 bilang Sesame! o Filipinong bersyon ng "The Sesame Street" na sikat noon sa Amerika. Hanggang sa naging 100% Filipino ito sa wika at laman at tawaging "Batibot" na ang ibig sabihin ay "small, but strong and robust" o maliit ngunit malakas at matikas.
Hindi malilimutan ang mga karakter sa Batibot, lalo na sina Pong Pagong at Kiko Matsing. Ang mga kwento ni Kuya Bodjie na talagang inaabangan tuwing umaga.
At shempre, hinding-hindi malilimutan ang panimulang kanta ng Batibot na siyang kinakanta ng lahat ng bata sa bansa tuwing umaga:
Ito at "Ang Huling El Bimbo" ng Eraserheads ang kabilang sa mga kantang hinding-hindi ko malilimutan.
Sana ngayong bakasyon maibalik ng TV5 ang Batibot para kahit papaano ay mapanood ko ito at makita kung anong pagbabago ang ginawa nila dito. Sana bumalik ang mga orihinal na puppet at mga karakter lalo na si Kuya Bodjie. At sana tumagal ito sa ere hanggang sa magkaroon ng muwang ang aking anak para mapanood niya rin ito.
Tayo na sa Batibot!
Pingback: Beloved Filipino children’s show ‘Batibot’ returns « loQal – Arts and Entertainment | Philippines
Pingback: Beloved Filipino children’s show ‘Batibot’ returns | Go Quezon City