Archive for the ‘kultura’ Category
Paano naman ang mga artistang politiko’t kandidato?
Mabuti naman at kahit papaano ay may naiisip na maganda si COMELEC Chair Benjamin Abalos Sr. nung sinabi niyang maging maingat ang media, lalo na ang mga talk shows tuwing mag-iimibita sila ng mga pulitiko sa kanilang mga palabas.
Ito raw ay maaaring magbigay sa kanila ng "unfair advantage" ngayong election. Totoo naman dahil ang mga talkshows, noontime shows at primetime shows ay pinapanood ng libu-libong Pilipino araw-araw.
Binanggit pa niya ang RA 9006 o Fair Elections Act kung saan nakasaad; "In the broadcast media, political adverstisement may take the form of spots, guestings in TV shows and radio programs..."
Malinaw ang batas. Pero paano ang mga artistang tatakbo ngayong eleksyon? Paano ang mga artistang naging politiko na?
Bagaman sinabi ng COMELEC na hindi ang isang potensyal na kandidato o politiko ay hindi pa sakop ng Fair Elections Act hangga't hindi sila nagsusumite ng kanilang katibayan ng pagkandidato, may mga ilang artistang tatakbo o sinasabing tatakbo ang patuloy pa rin sa kanilang paglabas sa mga palabas sa TV. Kahit nga ang mga artistang halos nalimutan na ng mga tao ay biglang bumabalik at nagiging matunog ang pangalan at makinang ang mukha dahil sa nalalapit na eleksyon.
Magkaganoon man, dumating ang panahon ng opisyal na pangangampanya sa Pebrero 13, 2007 at maging opisyal na kandidato nga ang mga TV personalities at artista ay huli na sapagkat matagal na silang nakalabas sa mga TV shows at nangampanya nang di-tuwiran sa mga botanteng iniidolo sila, sinasamba sila, sinusubaybayan bawat galaw, pangyayari sa buhay ultimo pag-utot nila.
Sa ganitong sitwasyon, sa lipunan nating mas pinaniniwalaan ang mga tsismis tungkol sa artista kaysa sa mga isyung panlipunan, mas dadami ang mga artistang makakaupo sa mga posisyon sa ating gobyerno. Pero ok lang, "entertaining" naman pa rin sila, at ito ang mabentang-mabenta sa ordinaryong botanteng Pilipino.
Tunay na nakakamangha ang yaman at kulay ng kulturang Pilipino. Isa na sa mga matitingkad na kulturang ito ang kultura ng mga kapatid nating Maranao na naninirahan sa Mindanao at mga karatig pulo. Bago pa man dumating ang mga dayuhang mananakop ay maunlad at yumayabong na ang kanilang kultura, relihiyon, at lipunan. Ang kanilang pagkikipagkalakalan sa mga kapatid nating Asyano ang isa sa mga pangunahing tumutulong sa pag-unlad at pagyaman ng kanilang lipunan at kultura. May sarili silang sistemang panlipunan, mga paniniwala at tradisyon, reilihiyon, at iba pa na matagal na nilang pinapaunlad bago pa man dumating ang mga dayuhang mananakop.