2 linggo ko nang pinag-iisipan kung gagawa ako ng bukod na blog para sa mga ganitong uri ng posts, yung mga walang katuturan at magkukwento lang ako ng kung anong nangyari sa akin sa maghapon o mga nakalipas na araw. Bagay na hindi masyadong pagkakainteresan nyo o makakatulong sa inyo dahil hindi naman ako artista o prominenteng tao. Isang simpleng mamamayan lang na maraming pangarap, masyadong maraming organisasyon kinabibilangan at gustung-gusto nang makabili ng MacBook.
Bakit naman ako magboblog tungkol sa mga ganitong bagay kahit na alam ng karamihan na hindi ako "fan" ng personal blogging. Masyado akong seryoso sa mga sinusulat ko sa blog, pero dahil sa ganoong bagay, madalas ay nagkakaroon ako ng "blogger's block." Yung hindi makapag-blog dahil walang lumalabas sa aking isip. Kahit na humarap pa ako sa kompyuter maghapon ay wala pa ring maisusulat.
Kaya napag-isipan kong dito na lang sa Sumilang magsulat ng mga bagay na personal ang dating. Pero hindi ako magkukwento ng kung anong ginawa ko pagkagising, habang naililigo, o bago matulog. Mga kwentong buhay lang na sa tingin ko ay makakatulong sa inyo kahit papaano.
Pangalawa ay matagal-tagal na ding walang bago dito sa Sumilang, at pangatlo, mas gustong kong magkwento sa Filipino o Tagalog. Tingnan nyo na lang kung gaano na kahaba ito diba? hehehe
Pang-apat ay magandang ehersisyo ito para makapagsulat ako. Sabi nga sa pelikulang "Finding Forrester" kapag gusto mong magsulat, magsulat ka lang. Mamaya na mag-isip. Dahil ang manunulat ay nagsusulat, iwanan ang masyadong pag-iisip sa mga pilosopo at pantas.
Ika-lima, gusto ko na uling magsulat tungkol sa mga nangyayari sa ating lipunan, nang sa ganoon ay manumbalik at hindi kalawangin ang pagiging progresibo at aktibista ko. hehehe (Ewan ko lang kung masasako ng Human Security Act of 2007 ang blog na ito, tingnan na lang natin.)
Ika-anim, dahil nga gagawin kong "pseudo-personal" blog o mala-personal blog ang Sumilang mula ngayon, huwag sana kayong matakot o magtaka kung bakit paminsan-minsan ay may mga sulatin dito na sobrang iksi o mga simpleng sulatin lang. Hindi kasi ako mahilig sa Twitter kaya dito na lang sa blog. Sabi nga nila, "content is still content" kaya kung maraming content ang iyong blog, maraming babasahin si Google Bot.hehehe
Ika-pito, wala na sa ngayon at hanggang dito na lamang. Bukas, o mamaya, sunud-sunod na ang mga kwentong buhay, pagkokomento tungkol sa kalagayan ng lipunan at mga walang katuturang-bagay.
KA - Karapatan sa Edukasyon at Empleyo (Right to Education and Employment) BA - Batayang Serbisyong Panlipunan (Basic Social Services) TA - Talino at Galing sa Pamamahala (Excellence in Governance) AN - Anak ng Bayan para sa Maningning na Kinabukasan (Sons and Daughters of the Nation for a Bright Future)
Ang ating KINABUKASAN ay NASA ATING MGA KAMAY
Sa darating naMay 14, iboto ang mga tapat, may paninindigan at prinsipyong makabayan, makatao, makakalikasan at maka-kabataan na mga kandidato. Ngayon na ang tamang panahon para iparinig ng KABATAAN ang kanilang mga boses.
Ang pangangapampanyang ito ay handong ng Sumilang at Four-eyed Journal bilang suporta sa KABATAAN party-list. Malaya kayong kopyahin ang mga laman, video at litrato sa sulating ito at ilagay sa sarili nyong website. Huwag niyo lang kalimutana ang mga links.
Suportahan ang aming kampanya, ang pagboto sa KABATAAN party-list ngayong May 14 ay boto para sa kapakanan at kinabukasan ng iyong mga anak, kapwa kabataan at kaibigan.
Hindi lang mga bloggers ang sumusuporta sa KABATAAN, consumer and mobile rights group TXT-Power ay nagpahayag na rin ng pagsuporta. Madami na ang sumusuporta sa KABATAAN, mas magiging masaya kapag sumama ka na rin. Bumisita sa KABATAAN website at ipadinig ang inyong boses.
Noong nasa elementarya pa ako ay takut na takot ako maligo sa umaga. Dahil dito sa Silang, bago dumating ang mga ika-8 ng umaga ay napakalamig ng tubig na nagmumula sa mga gripo. Pakiramdam mo ba'y galing sa refrigerator ang tubig na ibubuhos mo sa iyong katawan. Sa sobrang lamig ng tubig, lalo na kapag may bagyo o kaya ay panahon ng tagulan, mga buwan ng Oktubre hanggang Pebrero ay nagpapakulo kami ng tubig bago ito gamitin sa paliligo. 'Pagpatay' sa tubig ang tawag ng mga matatanda sa amin dito.
Bukod sa malamig ang tubig dito, malakas din noon ang tulo ng tubig. Hindi mo na kailangan pang buksan ng todo ang gripo dahil kahit kalahati nito ay sapat na para mapuno ang isang balde sa loob ng mga dalawampu o tatlongpung minuto. Mas ramdam mo ito kapag mapalad kayong may shower sa inyong banyo. Ito ang mas ikinakaba ko sa tuwing maliligo ako sa umaga bago pumasok sa eskwela. Nakapikit akong bubuksan ang shower at ihahanda ang sarili sa bugso ng malamig na tubig na magmumula dito na animo'y ginagamitan ka ng hose ng gamit sa pagpatay sa sunog.
Tiyak, pagkatapos naming maligo ay nagmamadali kaming makapagpunas at makapagpatuyo dahil nangangatal kaming lalabas ng banyo dulot ng lamig ng tubig dito sa Silang. Katabing bayan lang namin ang lungsod ng Tagaytay na kilala ng halos lahat na isa sa mga malalamig na lugar sa Pilipinas. Kung wala kang sapat na pamasahe papuntang Baguio, sa Tagaytay ka na lang pumunta kung nais mong makalayo sa init ng Maynila at makalasap ng malamig na klima at makaligo sa malamig na tubig. Upland Cavite kung tawagin ng mga taga-Maynila ang lugar na kinalalagyan ng Silang.
Pero noong tumuntong ako ng kolehiyo, napansin kong hindi na ganoong kalamig ang tubig dito sa Silang tuwing umaga. Kung dati ay kinakabahan ako sa tuwing magbubuhos ng tubig mula sa tabo o kaya ay bubuksan ang shower, ngayon ay kaunting lamig na lang. Minsan nga ay hinahanap ko pa ang malamig na tubig na iyon dahil tila nagiging mas mainit na ang klima ngayon dito sa Silang. Yung lamig na hindi nakakangatal pagkatapos mong maligo, yung lamig na sa unang buhos mo lang mararamdaman, nawawala na ang lamig ng tubig sa Silang.
Bukod sa pagkawala ng nakakangatal, nakakaginhawang lamig ng tubig, tila ay umuunti at nawawala na rin ang tubig mismo dito sa Silang. Kung dati ay kaunting pihit lang ng shower ay malakas na ang bagsak ng tubig, ngayon ay kahit itodong bukas mo ito, mahina at parang gumagamit ka lang ng laruang rigadera o pandilig ng bata. Mas mainam at mas matipid pa ngang gumamit na lang ng tabo sa paliligo. Pero kung gusto mo pa ring makagamit ng shower, kailangang mas agahan mo ang ligo mo dito sa Silang para masulit o magamit mo ng husto ang shower. Gumising at maligo ka ng mga bandang alas-tres hanggang alas-singko ng umaga. Nakakatamad bumangon ng ganoong oras hindi ba? Pero walang magagawa, pagkalampas ng alas-singko ng umaga ay mahina ang tulo ng tubig dito sa Silang, hindi na tulad ng dati.
Isa pa sa mga napansing kong pagbabago sa tubig ng Silang bukod sa paghina ng tulo nito at pagkawala ng lamig nito ay ang tuluyang pagkawala nito tuwing mawawalan ng kuryente. Tumitigil ang mga pambomba ng tubig ng lokal na water district dito tuwing walang kuryente. Pero noon, kahit walang kuryente ay malakas pa rin ang tulo ng tubig. Ano kaya ang dahilan? Saan napunta ang tubig?
Oo nga pala, nakapagtayo pala ng isang golf course malapit sa Emilio Aguinaldo Hi-way na tumatawid sa poblacion ng Silang. Salamat sa isang dating presidente ng Pilipinas na madalas naming nakikitang pumupunta doon at humihithit ng kanyang tabako ay mayroon na kaming 'world-class' na golf course sa malapit mismo sa bayan ng Silang.
Ang galing 'diba? Tanga...este...Angat Pinoy talaga!
Marami ang nagtatanong kung bakit tila masyadong seryoso ang aking mga blogs.
Bihira akong magsulat ng mga personal na bagay tungkol sa akin. Tulad ng mga nangyari sa akin sa maghapon, sa aking panaginip, sa aking mga ginagawa atbp. Sa tingin ko kasi ay wala naman ito masyadong halaga o maitutulong sa ibang makakabasa nito. Maliban na lang siguro kung kasing sikat ko si Tom Cruise o si Yael ng Spongecola. \m/
Isa lamang ako sa 86 na milyong Pilipino na mapalad na nagkaroon ng kompyuter at broadband internet sa bahay at nakapagdesisyong magkaroon ng sarili kong blog. Kung ako man ay mahuli ng dating sa klase o muntik nang masagasaan sa E. Aguinaldo Hi-way habang tumatawid ay hindi na ganoong kaimportante para sa karamihan.
Hindi sa walang kulay ang buhay ko. Hindi rin sa masyado akong sensitibo tungkol sa mga personal na bagay, ang akin lang ay may maitutulong ba sa mga nakakabasa ng blog ko kung magkukuwento lang ako ng mga ordinaryong bagay na nangyari sa akin? Pasintabi sa mga ganito ang istilo o laman ng kanilang mga blog, pero bakit pa ako magkukwento kung nakapagkwento na kayo 'diba? hehehe
Masaya at kuntento na akong mabasa ang mga munting kwentong pangaraw-araw ninyo. Kaya iba naman ang ikukwento o isusulat ko sa aking blog. Dito man sa Sumilang o sa Pinoy Explorer.
"Ang ginawa ng iba ay huwag mo nang gagawin. Ang naisip ng iba ay huwag mo na ring iisipin. Kailangang maging kakaiba ka." Yuri Cipriano
PS
Pero kung gusto mo pa ring maging personal sa akin, magsulatan na lang tayo. Sulatan mo ako sa jhay at jrocas dot com dot ph