Drama sa USC Scholarship
Ayon sa mga huling nagbahagi sa akin ng kanilang mga saloobin tungkol sa nakakalungkot na pangyayari sa scholarship ng USC ngayon, hindi ko maiwasang malungkot din at pilit kong iniiwasan ang mag-isip ng masama sa mga bagong USC officers.
Sa kasalukuyan, mayroong 20(?) iskolar ang USC ngayon, mas mataas kumpara noong nakaraang taon. Ngunit hindi ata naging usap-usapan ang pagtaas ng bilang ng mga iskolar. Ang mas napag-uusapan ay ang mga iskolar, magulang at mga ilang administrador na nababahala at nababagabag dahil kahit nadagdagan ang bilang ng mga iskolar, nabawasan naman ang mga tunay na matutulungan nito.
Sa 17 iskolar ng nakalipas na USC, mas madami ang bilang (percentage) ng mga may "full scholarship" kumpara sa ngayon, iisa o dalawa lang daw ang nabigyan ng "full scholarship" kaya, lubhang nakakalungkot, marami-rami sa mga nakaraang iskolar ang hindi makakapag-aral ngayong pasukan, kahit na 50% ang scholarship nila. Sa lalong pagtaas ng mga bilihin, langis, matrikula at iba pa ngayong kasalukuyan, higit na kinakailangan ng mga kapos-palad nating kapwa Lasalyano ang lahat ng tulong upang ipagpatuloy nila ang kanilang pag-aaral. Ang pagiging iskoloar ang isa sa kanilang mga malubhang inaasahan.
Ginawa ang mga mapayapa at tamang proseso para subukang umapila sa kasalikuyang USC na sana'y mabago ang kanilang desisyon at madagdagan ang matatanggap ng mga iskolar. Ngunit, matapos ang mga pag-uusap at pakikipagdayalogo, desedido na raw ang bagong USC na kung ano ang kanilang napagdesisyunan ay yun na talaga.
Totoo na may kalayaan at karapatan ang USC na pagdesisyunan ang pagbibigay ng mga scholarships. Totoo rin na may kalayaan at karapatan silang itakda ang panuntunan at proseso sa kung sino ang mabibigyan ng scholarships.
Pero hindi ibig sabihin nito ay bahala na sila sa kung ano man ang kanilang mapagdesisyunan. Bilang mga lider-estudyante, higit na inaasahan na ang kanilang mga desisyon ay para makapaglingkod sa interes at kapakanan ng mga estudyante at alinsunod sa mga dakilang aral ni San Juan Buatista De La Salle.
Aking napagalaman na isa sa mga dahilan kung bakit di umano'y ayaw nilang pagbigyan na magkaroon ng adjustment o dagdag sa matatanggap ng ibang iskolar ay "kapag nag-adjust sa isa, kailangang mag-adjust sa lahat."
Sa unang tingin ay tama at patas ang ganoong pangangatwiran hindi ba? Pero kung susuriin ay may kamailan. Ang mga bihasa o nag-aral ng Logic ay sasang-ayon sa akin sa ganitong pagaanalisa at paggiba sa ganitong argumento.
"kapag nag-adjust sa isa, kailangang mag-adjust sa lahat." Hindi ba't sa unang tingin pa lang ay may fallacy na sa argumentong ito? Ang fallacy na ito ay ang fallacy of generalization, o pagtingin na pare-pareho lamang ang lahat kahit na sadyang magkakaiba ang mga ito.
Kahit na pare-parehong matindi ang pangangailangan ng mga iskolars ay magkakaiba pa rin ang kanilang indibidwal na kalagayan at pinanggagalingang sitwasyon, circumstances ika nga.
Ito ang dahilan kung bakit kailangan nilang magpasa ng mga dokumento at papeles na magsasalarawan at magpapatunay sa kung gaanong kalubha ang kanilang pangangailangan at kaya isa-isa silang nakakapanayam sa screening interviews. Ito rin ang dahilan kung bakit hindi sila pare-pareho ng mga antas o pursyentong natatanggap para sa scholarship.
Kaya hindi pwede na sabihing dahil binawasan ang kay A, ay babawasan din ang matatanggap ni B, C at haggang kay Z dahil magkakaiba sila ng pangangailangan. Sana ay maunawaan natin itong lahat.
Tandaan natin na sila ay nahalal upang paglingkuran ang interes ng mga mag-aaral. Ang pagbibigay ng scholarship ay isa sa mga pinakadakila at malaking obligasyon nila dahil sa bandang huli, ang perang nakapaloob sa kanilang pondo o badyet ay nanggaling din sa ating mga mag-aaral ng DLSUD. Samakatuwid, higit ang ating karaptan sa perang iyon.
Huwag din sana kalimutan ang pangarap ng De La Salle Philippines na maging katotohanan ang One La Salle Scholarship kung saan 20% ng buong populasyon ng mga estudyante sa mga La Salle schools ay mga iskolar pagdating ng 2011. Sa nangyayari ngayon, tila hindi makakapagambag ang ating mga lider-estudyante sa pangarap na ito.
Kasiyahan o pangangailangan?
Isa pang bagay na mapupulot natin dito ay makita ang prayoridad o mga mahahalagang bagay sa isang pamunuan, na siyang makikita natin sa kung paano ginagamit o saan inilalaan ng Konseho ang badyet o pera ng mga estudyante. Kung mas malaki ang bahagi ng badyet para sa serbisyong estudyante tulad ng scholarships, student loans at sponsorship sa mga student orgs, (mga basic student needs) masasabi natin na "student-service oriented" ang Konseho. Pero kung napupunta sa mga ibang gawain at proyekto na makakapagpasaya sa estudyante (student wants) masasabi natin na "student-entertainment oriented" ang ating konseho.
Pero, malaki ang aking pag-asa na ang nauna at hindi ang huling uri ng panunugkulan ang dala-dala ng mga lider-estudyante natin ngayon. At para maging patas naman, nag-uumpisa pa lang ang bagong pang-akademikong taon.
-
meg