Mahirap maging kuya

Kuya“, “Kuya Jhay“, “Kuya Jules” o “Kuya Julius” ito na 99% ang mga pangalang ginagamit ko ngayon.

Noong una ay sa bahay lang, ngayon, halos kahit saan mapunta ito ang tawag sa akin. Shempre ng mga mas nakakabata sa akin mula classmate, kakilala, nakakakilala at mga ka-barkada. Sa aking pagkakaalam, malalim o hindi biro ang tawagin ka na “Kuya” ng mga taong nasa paligid mo.

Tulad ng isang ranggo o lebel sa militar o kahit anong organisasyon, ang titulong ito ay may kadikit na kahulugan o konotasyon. Kapag ikaw ay “kuya“, ibig sabihin ay mas nakakaalam ka, mas marami kang karanasan, mayroon kang awtoridad at ikaw ang madalas lapitan ng mga taong tinatawag kang “kuya“.

Mas madaling lapitan kumpara sa “magulang” at “lolo” at “lola”. Swerte ko at hindi pa ako natatawag sa kahit alin sa dalawang iyon. hehehe

Sa aking karanasan, bilang “kuya” hindi lamang ng aking mga kapatid sa dugo, lalo’t higit sa mga kaibigan, kaklase, kabarkada; ako raw ang “kuya” na maaasahan, papakinggan at kahit nakakaasar, pinapaniwalaan. Ayaw kong magyabang dahil wala naman akong monopolyo sa tama o mali, lahat ng aking mga ginagawa at ipinapayo ay batay lamang sa aking mga karanasan, nababasa, natutunan sa iba at sariling pag-iisip. Minsan nga ay sablay pa.

Pero dumadating ang punto na hindi lahat ay kaya kong tulungan, hindi lahat ng tumatawag sa akin na “kuya” ay nagiging masaya o may napupulot na aral. Mas mahirap pa, kapag ako ang nalalagay sa pagitan ng dalawa o higit pang mga “nakakabata” sa akin. Parehong lumapit sa akin, sa paniniwalang makakatulong sa kanila si “Kuya Jhay”.

Ano ang aking gagawin? Ano ang aking ginagawa? Isa sa mga nagpatibay ng pangalan kong “Kuya Jhay” ang pagiging “marahas, pranka at tapatan” kong pakikitungo o pagbibigay ng opinyon o payo sa mga lumalapit sa akin. Ito ang paraan ko ng pagiging “Kuya”, ang imulat at ipakita sa iba ang katotohanan ng kanilang sitwasyon na dapat naman nilang tanggapin o gawan ng aksyon, na kadalasan ay hindi madali para sa kanila.

Pero ang mas mahirap, ay yung dumating ang pagkakataon na makita ng iba na “iba ang ginagawa ni kuya jhay sa mga sinabi, payo at aral niya.” Nakakagulat, nakakawindang, nakakasakit sa iba, at itong bagay na ito ang labis na nakakaapekto sa akin. Sa ganitong sitwasyon, nauubusan ako ng sasabihin, nawawalan ako ng maipapayo; paanong hindi eh ako mismo ang lumalabag sa mga sasabihin o ipapayo ko.

Dito minsan ay nawawala ang tiwala, bilib at kumpyansa ng iba sa akin. At lubos na mahirap talaga ito para sa akin.

Kaya sa ganitong pagkakataon, hinahanap-hanap ko ang mga panahong “jhay” o “julius” na lang ang itinatawag nila sa akin.

Kasi kahit ako, lalo na sa mga ganoong sitwasyon, naghahanap din ng matatawag kong “kuya”.

0 comments ↓

There are no comments yet...Kick things off by filling out the form below.

Leave a Comment