Secretary of Injustice talaga
Noong una kong nabasa sa Inquirer ang balitang hindi pinayagang makaalis si Bayan Muna Rep Satur Ocampo dahil sa isang utos ni DOiJ Sec Raul Gonzalez papuntang Japan ay hindi na ako lubusang nagulat. Ang dahilan naman daw kasi ni Gonzalez ay "ipapahiya lang ni Ocampo ang administrasyong Arroyo dahil sa ito ay isang kritiko."
Pero nagdilim ang aking paningin dahil wala naman palang kautusan mula sa isang korte na sumusuporta sa utos ni Gonzalez. Kung susuriin, ang pagiging kritiko ni Ocampo ang pawang basehan lamang ng mapanupil at hindi-pinag-isipang desisyong iyon ni Gonzalez. Ano ang ibig sabihin nito? Patunay lamang na sinusupil at sinasagkaan ng administrasyong Arroyo ang mga demokratikong karapatan ng mga mamamayan lalo na ng mga kritiko nito. Ito ay isang tahasang paglabag sa Saligang Batas. Ito ay isa pang patunay ng pagiging pasista na kasalukuyang administrasyon. Ito ay isa na namang patunay na kailangan na ng malawakang pagbabago sa ating lipunan at pamahalaan.
Paano pa kaya magagampanan ni Gonzalez ang kanyang tungkulin bilang pinuno ng Kagawaran ng Hustisya kung siya mismo ay lumalabag sa Saligang Batas at hindi gumagalang sa mga demokratikong karapatan ng mga mamamayan?