Karanasan, mga pananaw at kwentong buhay
Archive for the ‘dlsud’ tag
Isang linggo na lang at tapos na ang unang semestre. Akalain mo iyon? Nakalipas na ang isang semestre ng ganoon-ganoon na lang? Pero ganoon na nga lang ba talaga?
Kakaiba ang semestre na ito. Bukod sa mga malaking pagbabago sa buhay-estudyante ko, ang daming mga bagay na nangyari sa labas ng pamantasan na lubhang nakaapekto sa loob.
Nariyan ang mga kaguluhang nangyari sa pulitika at ekonomiya at ang pinkahuli ay ang pinsala at trahedyang idinulot ng magkasunod na bagyong Ondoy at Pepeng.
Matapos ang lahat-lahat, palagay ko ay dapat sulitin ang darating na sembreak. Dahil sa pagbabalik-eskwela sa ikawalang semestre, sa palagay ko ay mas magiging abala at lahat dahilan sa mga panibagong hamon at mga gawain sa pamantasan. Shempre, lalong magiging mabigat ang mga bagay-bagay dahil sa mas maiksi at mas mabilis na takbo ng panahon tuwing 2nd semester.
Para sa sembreak, balak kong basahin ang mag librong nabili ko noong Agosot pa, pero hindi ko pa nasisimulan kahit isa. At dahil dito, sisimulan ko din ang bago kong blog na matagal ko nang pinagpaplanuhan at binabalak na gawin. Bukod dito, balak ko din na mamalagi, hangga't posible, sa bahay. Para naman makapagpahinga at sana, hari-nawa, ay magkaroon ng kahit kaunting dagdag timbang.
Shempre, hindi mawawala ang pagtambay kasama ng mga kaibigan ko dito sa Silang, pero dapat ay maging mahinahon dahil dapat sulitin ang sembreak para makapagpahinga.
Pero sa kutob ko ay hindi ko malulubos ang sembreak para makapagpahinga. May mga ilang bagay na kailangang pagtuunan ng pansin at ito ang kakain ng mga oras at araw ng akin sembreak. Nariyan ang pagiging SERVE Volunteer, pinuno ng SENTRO, pasimuno muli sa Sining Bayan at shempre sa pagiging blogger.
Gaano man kaiksi o kahaba, mabuti nang may sembreak kaysa sa wala.
Pormal nang nagsimula ang deliberasyon tungkol sa pag-babago ng Student Handbook. Ang Student Handbook Revision Committee ay binubuo ng iba't-ibang sangay ng administrasyong ng DLSUD at mga lider-estudyante ng bawat sektor sa pamantasan.
Hindi ko pwedeng idetalye ang mga napag-usapan pero sa ngayon ay natapos kami sa Section 1 ng kasalukuyang Student Handbook, partikular tungkol sa detalye ng uniporme.
Naging masigla, mainit pero malaman ang mga debate tungkol sa school uniform. Pero kanina ko lang napagtanto, bakit kailangan ng school uniform?
Kung babasahin ang Student Handbook, makikita lamang ang pagsasalarawan ng unimporme para sa lalake at babaeng estudyante ng DLSUD pero hindi mo mababasa kung bakit kailangang magsuot ng uniporme ang mga estudyante.
Ano sa palagay nyo? Para ba maging maayos tingnan ang pamantasan? Para ba makatulong sa ating mga pag-aaral? Para ba makatipid? Para ba sa seguridad? Para may dagdag kita ang school?
Bakit sa La Salle Manila ay walang uniporme?
Bakit nga kaya???
Kakatapos lang ng OSS Week 2009 dito sa DLSUD. Kahit na dalawang araw lang ako opisyal na naka-duty bilang Direktor ng LCDC, pakiramdam ko ay buong linggo akong nagtrabaho dahil kinailangan pa din ang aking atkibong pakikilahok sa pagpapatakbo ng opisina nitong mga nakalipas na limang araw.
Masaya naman dahil mas organisado at mas madaming bagong boluntir ang nakasali sa mga naging student-administrator. Bagaman madaming naging aberya at problema, ang lahat ng ito ay nasolusyunan at natural lamang dahil sa karamihan ay mga bagong boluntir pa lamang.
Natapos ang linggong ito sa pamamagitan ng pagiging discussant ko sa isang forum ng NSTP at Pre-Law Society tungkol sa Automated Election System na gagamitin sa halalan ng 2010.
Panauhing pandangal namin si Director James Jimenez ang tagapagsalita ng COMELEC upang ipakilala at ipakita sa amin ang AES. Masaya, makabuluhan at matagumpay naman ang gawain.
Sa susunod ko na lamang ididetalye ang mga pangyayari dahil pagod na pagod na talaga ako at kinailangan ko lang maisulat ito bago pa tuluyang maglaho sa aking alaala.
Malamang ay nakarating na sa inyo ang balita na mula sa pasukang ito, libre na ang WiFi access sa lahat ng mga estudyante at guro ng DLSUD.
Dati kasi ay kailangang mong magbayad para magkaroon ka ng access sa WiFi. Natutuwa ako dahil isa akong blogger at gustung-gusto namin ang libreng WiFi.
Pero sa kabilang banda, kung hindi mo na kailangang magbayad para sa WiFi dahil libre na ito, paano ito naging libre?
Magandang balita kung ito ay dahil sa isang mabait at galanteng sponsor. O kaya naman ay may nakuha na Internet Service Provider and DLSUD na mababa ang singil sa internet connection kaya naging libre na ang WiFi.
Pero, kung naging libre ang WiFi sa DLSUD dahil sinisingil na ito sa lahat ng mga estudyante, bilang bahagi ng aming miscellaneous fees, parang hindi ata makatwiran at hindi tama.
Paano naging hindi makatwiran at hindi tama? Noon kasi sa "pay per use" model, kung saan magbabayad ka para makagamit ng WiFi, na tama lang dahil ikaw kasi ang gumagamit. Sulit ang iyong ibinabayad. Ikaw ang may pasan ng dagdag gastos na ito.
Noon pa man mayroon nang internet fee na bahagi ng miscellaneous fee at ito ay napupunta sa ERS. Magtiyaga lang muna sa paisa-isang oras ng paggamit at pagpila dahil kakaunti ang mga computers dito. Ayos lang din dahil may direktang access ka sa internet. At iyon ang mahalaga. Kahit sino may access sa internet na sinisingil sa iyo.
Pero ngayong libre na sa lahat ang WiFi, at kung totoo ngang kasama na ito sa miscellaneous fees na binabayaran ng lahat ng estudyante, totoo rin kaya na ang lahat ng siningil dito ay may access sa WiFi?
Malinaw ang kasagutan. Tumingin ka na lang sa iyong block or section at isipin mo kung ilan sa inyo ang may laptop? Ang bilang na iyon ang may access sa WiFi dahil sa laptop ka lang naman pwedeng maka-access ng WiFi. Totoo na pwede ring mag-WiFi sa mga cellphone, PDAs at iPod Touch or iPhone pero mas kakaunti ang mga mayroon nito sa DLSUD. At tiyak akong kakaunti ang magtitiyaga na magresearch gamit ang kanilang WiFi-capable phone.
Muli, malinaw na kahit lahat tayo ay sinisingil para sa WiFi, hindi lahat tayo ay makakagamit nito. Dahil hindi lahat ay may laptop. Sa ganitong sitwasyon, ang paggamit sa WiFi ay isang pribilehiyo o privilege, dahil may pre-requisite na kailangan para ma-access mo ito, at iyon ay ang pagkakaroon ng laptop.
Ang pribilehiyong makagamit ng WiFi ay para lamang sa kakaunting estudyante ng DLSUD na may laptop. Pero sinisingil ang lahat para ang iilang may laptop ay makagamit nito. Sa panahon ngayon ng krisis pang-ekonomiya at lalong humihirap na pamumuhay, ang ganitong sitwasyon ay tama at makatuwrian ba?
Base sa mga ganitong obserbasyon at konklusyon, mayroong ilang katanungan; paano nagkaroon ng ganitong patakaran? Sino-sino ang mga pumayag sa ganitong patakaran? Ang mga dapat bang masangguni o makonsulta para sa ganitong desisyon ay nakonsulta? Ang mga kinatawan at nasa posisyon ba ay kumilos upang pag-aralan ang sitwasyon at duminig sa totoong saloobin ng kanilang mga nasasakupan? Ang kapakanan at pangangailangan ba nila ay tunay na naprotektahan at napagsilbihan sa ganitong patakaran?
Sana ay mabigyang linaw ang mga kasagutang ito, dahil hindi mapapalagay ang aking isipan sa tuwing gagamit ako ng libreng WiFi sa DLSUD. Binabayaran ng lahat ang aking WiFi, pero silang mga nagbayad, hindi man lamang makagamit.
*Unang nalathala dito
Bukas hanggang Linggo, ay nasa Horacio De La Costa Formation Center kaming mga SERVE Volunteers para sa taunang SAS at ALT. Kasama namin ang halos 60 bagong boluntir at 50 senior volunteers.
Dalangin ko na ang mga kalahati ng 60 bagong boluntir ay magiging aktibong boluntir mula ngayon hanggang sa makapagtapos sila ng pag-aaral sa DLSUD. Sana lang talaga. hehehe
Pero malaki naman ang tiwala at pananalig ko sa kanila, lahat ng mga pagkilos naming mga senior volunteers ay nakatutok sa kung paano sila matutulungan na maging aktibong boluntir. Nang sa ganoon, pagkatapos namin ay sila naman ang magpapatuloy ng Lasalyanong bolunterismo at makabuluhang pagbabago ng lipunan.
Hanggang dito na lang muna at sa aking pagbabalik, ibabahagi ko naman ang ilang mga kwento at litrato mula sa SAS at ALT 2008.