Bukas may gagawin kaming kakaiba. Sisimulan na namin ang isang idipendienteng pagkilos ng mag estudyante sa DLSUD upang isulong at ipagpatuloy ang mga adbokasiya sa aming pamantasan.
Magbibigay kami ng sulat para sa aming pangulo na si Bro Gus, at magsusumamong bigyan kaming mga 85 biktima ng panghaharang, panggigipit at panunupil ng mga karapatan noong 29 ng Pebrero ng mas malaking bahagi ng kanyang atensyon dahil ang aming sitwasyon at karanasan ay hindi magaan na bagay.
Kung ano ang magiging hakbang ng pamunuan ng DLSUD sa mga isyung nakapaloob dito ay magkakaroon ng epekto na posibleng hindi makakatulong sa pamantasan bilang isang Lasalyano, Kristyano at makabayang institusyong pang-edukasyon.
Pero hindi naman namin aawayin o tutuligsain si Bro Gus, bagkos, ipapakita lamang namin na ang mga estudyante sa DLSUD ay hindi basta-basta na lamang mananahimik sa gitna ng mga kamalian, kawalan hustisya at garapalang pang-aabuso sa kapangyarihan lalo’t higit kami ang mga biktima.
Continue reading →
“Kuya“, “Kuya Jhay“, “Kuya Jules” o “Kuya Julius” ito na 99% ang mga pangalang ginagamit ko ngayon.
Noong una ay sa bahay lang, ngayon, halos kahit saan mapunta ito ang tawag sa akin. Shempre ng mga mas nakakabata sa akin mula classmate, kakilala, nakakakilala at mga ka-barkada. Sa aking pagkakaalam, malalim o hindi biro ang tawagin ka na “Kuya” ng mga taong nasa paligid mo.
Tulad ng isang ranggo o lebel sa militar o kahit anong organisasyon, ang titulong ito ay may kadikit na kahulugan o konotasyon. Kapag ikaw ay “kuya“, ibig sabihin ay mas nakakaalam ka, mas marami kang karanasan, mayroon kang awtoridad at ikaw ang madalas lapitan ng mga taong tinatawag kang “kuya“.
Mas madaling lapitan kumpara sa “magulang” at “lolo” at “lola”. Swerte ko at hindi pa ako natatawag sa kahit alin sa dalawang iyon. hehehe
Sa aking karanasan, bilang “kuya” hindi lamang ng aking mga kapatid sa dugo, lalo’t higit sa mga kaibigan, kaklase, kabarkada; ako raw ang “kuya” na maaasahan, papakinggan at kahit nakakaasar, pinapaniwalaan. Ayaw kong magyabang dahil wala naman akong monopolyo sa tama o mali, lahat ng aking mga ginagawa at ipinapayo ay batay lamang sa aking mga karanasan, nababasa, natutunan sa iba at sariling pag-iisip. Minsan nga ay sablay pa.
Pero dumadating ang punto na hindi lahat ay kaya kong tulungan, hindi lahat ng tumatawag sa akin na “kuya” ay nagiging masaya o may napupulot na aral. Mas mahirap pa, kapag ako ang nalalagay sa pagitan ng dalawa o higit pang mga “nakakabata” sa akin. Parehong lumapit sa akin, sa paniniwalang makakatulong sa kanila si “Kuya Jhay”.
Ano ang aking gagawin? Ano ang aking ginagawa? Isa sa mga nagpatibay ng pangalan kong “Kuya Jhay” ang pagiging “marahas, pranka at tapatan” kong pakikitungo o pagbibigay ng opinyon o payo sa mga lumalapit sa akin. Ito ang paraan ko ng pagiging “Kuya”, ang imulat at ipakita sa iba ang katotohanan ng kanilang sitwasyon na dapat naman nilang tanggapin o gawan ng aksyon, na kadalasan ay hindi madali para sa kanila.
Pero ang mas mahirap, ay yung dumating ang pagkakataon na makita ng iba na “iba ang ginagawa ni kuya jhay sa mga sinabi, payo at aral niya.” Nakakagulat, nakakawindang, nakakasakit sa iba, at itong bagay na ito ang labis na nakakaapekto sa akin. Sa ganitong sitwasyon, nauubusan ako ng sasabihin, nawawalan ako ng maipapayo; paanong hindi eh ako mismo ang lumalabag sa mga sasabihin o ipapayo ko.
Dito minsan ay nawawala ang tiwala, bilib at kumpyansa ng iba sa akin. At lubos na mahirap talaga ito para sa akin.
Kaya sa ganitong pagkakataon, hinahanap-hanap ko ang mga panahong “jhay” o “julius” na lang ang itinatawag nila sa akin.
Kasi kahit ako, lalo na sa mga ganoong sitwasyon, naghahanap din ng matatawag kong “kuya”.