Malamang ay nakarating na sa inyo ang balita na mula sa pasukang ito, libre na ang WiFi access sa lahat ng mga estudyante at guro ng DLSUD.
Dati kasi ay kailangang mong magbayad para magkaroon ka ng access sa WiFi. Natutuwa ako dahil isa akong blogger at gustung-gusto namin ang libreng WiFi.
Pero sa kabilang banda, kung hindi mo na kailangang magbayad para sa WiFi dahil libre na ito, paano ito naging libre?
Magandang balita kung ito ay dahil sa isang mabait at galanteng sponsor. O kaya naman ay may nakuha na Internet Service Provider and DLSUD na mababa ang singil sa internet connection kaya naging libre na ang WiFi.
Pero, kung naging libre ang WiFi sa DLSUD dahil sinisingil na ito sa lahat ng mga estudyante, bilang bahagi ng aming miscellaneous fees, parang hindi ata makatwiran at hindi tama.
Paano naging hindi makatwiran at hindi tama? Noon kasi sa "pay per use" model, kung saan magbabayad ka para makagamit ng WiFi, na tama lang dahil ikaw kasi ang gumagamit. Sulit ang iyong ibinabayad. Ikaw ang may pasan ng dagdag gastos na ito.
Noon pa man mayroon nang internet fee na bahagi ng miscellaneous fee at ito ay napupunta sa ERS. Magtiyaga lang muna sa paisa-isang oras ng paggamit at pagpila dahil kakaunti ang mga computers dito. Ayos lang din dahil may direktang access ka sa internet. At iyon ang mahalaga. Kahit sino may access sa internet na sinisingil sa iyo.
Pero ngayong libre na sa lahat ang WiFi, at kung totoo ngang kasama na ito sa miscellaneous fees na binabayaran ng lahat ng estudyante, totoo rin kaya na ang lahat ng siningil dito ay may access sa WiFi?
Malinaw ang kasagutan. Tumingin ka na lang sa iyong block or section at isipin mo kung ilan sa inyo ang may laptop? Ang bilang na iyon ang may access sa WiFi dahil sa laptop ka lang naman pwedeng maka-access ng WiFi. Totoo na pwede ring mag-WiFi sa mga cellphone, PDAs at iPod Touch or iPhone pero mas kakaunti ang mga mayroon nito sa DLSUD. At tiyak akong kakaunti ang magtitiyaga na magresearch gamit ang kanilang WiFi-capable phone.
Muli, malinaw na kahit lahat tayo ay sinisingil para sa WiFi, hindi lahat tayo ay makakagamit nito. Dahil hindi lahat ay may laptop. Sa ganitong sitwasyon, ang paggamit sa WiFi ay isang pribilehiyo o privilege, dahil may pre-requisite na kailangan para ma-access mo ito, at iyon ay ang pagkakaroon ng laptop.
Ang pribilehiyong makagamit ng WiFi ay para lamang sa kakaunting estudyante ng DLSUD na may laptop. Pero sinisingil ang lahat para ang iilang may laptop ay makagamit nito. Sa panahon ngayon ng krisis pang-ekonomiya at lalong humihirap na pamumuhay, ang ganitong sitwasyon ay tama at makatuwrian ba?
Base sa mga ganitong obserbasyon at konklusyon, mayroong ilang katanungan; paano nagkaroon ng ganitong patakaran? Sino-sino ang mga pumayag sa ganitong patakaran? Ang mga dapat bang masangguni o makonsulta para sa ganitong desisyon ay nakonsulta? Ang mga kinatawan at nasa posisyon ba ay kumilos upang pag-aralan ang sitwasyon at duminig sa totoong saloobin ng kanilang mga nasasakupan? Ang kapakanan at pangangailangan ba nila ay tunay na naprotektahan at napagsilbihan sa ganitong patakaran?
Sana ay mabigyang linaw ang mga kasagutang ito, dahil hindi mapapalagay ang aking isipan sa tuwing gagamit ako ng libreng WiFi sa DLSUD. Binabayaran ng lahat ang aking WiFi, pero silang mga nagbayad, hindi man lamang makagamit.






