WordPress o Tumblr
Gusto kong tipunin sa isang website ang lahat ng mga bagay na hindi bagay sa The Four-eyed Journal. Sa ngayon,mayroong akong Tumblr at ito para sa paglagyan ng mga bagay na iyon (random quote, litrato, maiiksing posts, atbp), pero hindi ko alam kung ano ang gagawin.
Ilipat ang blog na ito sa Tumblr
Naisip ko na gamitin na lamang ang domain na ito (juliusrocas.com) sa Tumblr. Dahil nandoon ang mga Post Formats na gusto kong gamitin. Ang pumipigil lang sa akin ay ang mga sumusunod:
Themes/design - hindi ko alam kung paano ayusin o lagyan ng sariling disenyo ang Tumblr kasi hindi ako mahusay sa CSS.
Kaligtasan ng aking mga posts - Patuloy na dumadami ang mga gumagamit ng Tumblr kaya minsan ay hindi na kinakaya ng kanilang mga servers. Natatakot ako na baka mag-loko ang Tumblr at maglaho lahat ng posts ko.
Ang mga problema ko sa WordPress
Post formats - wala pang WP theme ang gumagamit ng Post Formats kahit lumabas na ang WP 3.1. Tanging 2010 Theme pa lang ang gumagamit ng Post Formats pero nakukulangan ako sa dalawang sinusuportahan nito: Asides at Gallery.
Masyadong hilaw pa kasi ang Post Formats ng WordPress sa ngayon. Pero hihintayin ko pa ba dumating ang araw na iyon? Masisiraan na ata ako ng bait.
Gullible = Uto-uto
Ganoon talaga minsan, may mga panahong ang mga taong inaasahan na maalam at mapanuri sa pag-iisip ay nakukulangan o nasosobrahan nito.

Kaya mga bata, makinig sa sinasabi ng mga guro na huwag basta paniwalaan ang inyong mga nababasa, lalo na sa Internet.
Congrats sa Mosquito Press!
Bakit mukhang may sayad o nakatira ang Tea Master?

Sa totoo lang hindi ako nakumbinse ng "Tea Master" na uminom ng Real Leaf Green Tea. Alam kong medyo kakaiba tingnan magsalita sa Filipino ang mga Intsik, pero sa tuwing mapapanood ko ang commercial na ito hindi maalis sa isip ko ang impresyon na kung hindi may sayad sa ulo ang "Tea Master" ay nakatira ito ng opium at bigla na lang sumakay sa kotse ni Piolo Pascual.
Ano sa tingin nyo?
Kapag kulang sa gamit ang mga bumbero, kawawa ang tao
Madaming nagsasabi na maswerte pa tayong mga nandito sa Pilipinas dahil hindi pa tayo tinatamaan ng matinding lindol. Ilang dekada na ata ang nakalipas mula nang nagkaroon ng malakas na lindol at nakapagdulot ng maraming pinsala.
Pero, nakakabahala ang pag-aming ginawa ng Bureau of Fire Protection sa isinasagawang pagdinig ng Senado tungkol sa kahandaan ng ating gobyerno tungkol sa pagresponde sa mga natural na kalamidad tulad ng matinding lindol.
Inamin ng BFP na wala silang sapat na kagamitan para labanan ang mga malalaking sunog na kadalasang ibinubunga ng mga matinding lindol. Alam na ito ng mga tao, dahil tuwing mababalita na nagkakaroon ng mga malaking sunog sa kamaynilaan, kadalasang lumalala ang apoy dahil sa nauubusan ng tubig o kulang ang mga trak ng bumbero.
Ang sinabi ni BFP Chief Supt. Victoriano Remedio, director for operations sa Senado noong Martes:
When a fire occurs in the Pandacan area, when that is affected by an earthquake, definitely sir, the BFP cannot cope with the job.
Unless we are provided, maybe with specific equipment ... perhaps, sir, we can do it, but as of now, I am sorry, sir.
Minsan nga ay napanood ko sa ANC ang isang programa na sumilip sa mga bumbero at ipinakita ang mga pang-araw-araw na kanilang karanasan. Sinabi mismo ng mga bumbero na kulang na kulang sila sa mga gamit para lubusan nilang magampanan ang kanilang mga tungkulin tuwing magkakaroon ng sunog. Ilan na dito ang pagtiis sa construction helmet sa halip na helmet na sadyang ginawa para sa mga bumbero. Mas mahina daw ang construction helmet kumpara sa fireman's helmet, pero dahil mas mura ang nauna, iyon na lamang ang kanilang binibili.
Kahit pa ang mga fire hose na pangunahing instrumento nila sa paglaban sa sunog ay ginagawan na lamang nila ng paraan para tumagal at magamit pa rin. Kwento nung bumbero, kapag nagkaroon ng butas ang fire hose, pinuputol ang bahaging ito at idinudugtong na lamang para makumpuni. Kaya habang dumadami ang butas, patuloy na umiiksi ang kanilang mga fire hose.
Walang duda naman na patuloy na nagsasanay ang ating mga bumbero kaya may kahandaan sila kung tutuusin, ang tanging problema lamang ay ang kakulangan sa gamit. Kapag may problema ang mga bumbero, magkakaroon tayo ng mas malaking problema sa panahong kailanganin natin sila lalo sa panahon ng mga kalamidad tulad ng matinding lindol na tumama sa Japan.
Malinaw na aksyon at hindi lamang patuloy na panalangin ang ating kailangan nang sa pagdating mga matinding kalamidad, makakatugon tayo ng wasto at makakapagligtas ng buhay.
Pork Barrel sa Kamara, Public Opinion sa Senado
Mukhang tama ang tantya ni Ellen Tordesillas sa magiging boto ng mga Senador pagdating sa paghatol sa impeachment ni Ombudsman Merciditas Gutierrez:
Pito lang ang maa-asahan sigurado ng Malacañang. Walo kung makakabalik si Lacson.
Kaya mahalaga na malakas ang kaso ng mga nagreklamo laban kay Gutierrez at dapat sundan ito maigi ng taumbayan. Kung hindi, malilibre si Gutierrez, libre na rin si Maj. Gen. Carlos Garcia at tatawa lang ng malakas si Gloria Arroyo.
Pito hanggang walong boto lang ang makukuha ng Malacanang para ma-convict si Merci.
Ang iba sa 22 Senador ngayon ay kakampi kay Merci dahil sa kakampi sila ni Gloria o kaya ay hindi lang talaga nila makasundo si PNoy.
Kahit pa sabihing ginagapang ng mga maimpluwensyang grupo ang mga Kongresista para harangan ang pagpapadala ng Impeachment sa Senado mula sa Kamara, tiyak naman na masusunod ang kagustuhan ng Malacanang na ipa-impeach si Merci.
Shempre, sinong Kongresista nga naman ang gustong mawalan ng Pork Barrel?
Pero iba ang laro sa Senado dahil kasaysayan na ng institusyong ito ang magkaroon ng sariling diskarte at kadalasan ay taliwas pa sa nakaupong Pangulo.
Kung Pork Barrel ang susi para mapasunod ang mga Kongresista, ang isa sa epektibong paraan naman sa mga Senador ay opinyon ng publiko.
Kung makikita ng mga Senador na gusto talaga ng taumbayan na ma-impeach si Merci, lalakas ang posibilidad na makinig ang mga ito upang hindi masira sa mata ng publiko.
Ito ang bagay na pinaka-ayaw nila lalo't ilang taon na lang ay eleksyon na muli. Mas madaling maimpluwensyahan ng mga PR operatives ng Malacanang ang taumbayan sa pangkalahatan kesa sa suyuin ang bawat distrito ng mga probinsya.
Kapag nakapag-organisa sila ng sapat na dami ng bilang ng mga tao para iparating sa Senado na dapat ma-impeach si Merci, lalabo ang tsansang pagtawanan lang tayong lahat ni GMA.